Mark Angeles’ Poetics

Image_DSC0078 copy

Higit Sa Lahat

 

Nagkatahip ako sa pagbabasa ng mga tula nina Ruth Elynia Mabanglo, Andres Bonifacio, at Pablo Neruda kaya—at dahil sila lang ang natatandaan kong binasa ko noon—masasabi kong sinuhayan nila ang anyo at politika ng aking pagtula na kung tutuusin ay malalagom lang sa dalawa: (1) maging mapusok sa pag-ibig; (2) laging pumanig sa inaapi.

Ang koleksyong ito ang magsisilbing ebanghelyo ng kung ano ang pagtula para sa akin. Kung ang una kong koleksyon ng mga tula—ang Patikim—ay may temang pag-ibig, ang ikalawa—ang Emotero—ay nagbigay ng boses sa  humigit-kumulang isang daang kataong karaniwang hindi naisasatinig ang kanilang karanasan (kapwa nalimbag ang Patikim at Emotero bilang indie books), ang ikatlo—ang Engkantado—ay nagbigay naman ng buhay (malay/kasaysayan/pagpupunyagi) sa mga puno (available ang Engkantado bilang e-book), at ang ikaapat kong koleksyon—ang Threesome—ay ménage à trois ng mga tula ko sa wikang Filipino, Ingles, at mga salin sa Filipino ng mga tulang Ingles, ang ikalima kong koleksyon—na pinamagatan kong Higit sa Lahat—ang magtitipon sa lahat ng aking mga tulang lutang ang pagkiling sa pinili kong linyang pampolitika.

Balak kong hatiin sa tatlong bahagi ang Higit sa Lahat: “Mga Tao”, “Talinghaga”, at “Hindi Luksang Parangal”. Ang mga tulang hawak ninyo ngayon ay kasama sa bahaging “Hindi Luksang Parangal”. Lahat sa mga tulang ito ay may (mga) taong pinag-aalayan. Halimbawa, ang mga tulang para kina Crispin Beltran, Jonas Burgos, at Diosdado Fortuna. May mga tula ring alay sa mga grupo; halimbawa, ang mga tulang para sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, sa Morong 43, at sa mga biktima ng masaker sa Maguindanao.

Ang koleksyong ito ang sasagot kung para kanino ang pagtula higit sa lahat. Dahil sa ganitong intensyon, gusto kong makaabot ito sa mga inaapi at lumalaban para sa kanila—silang laman ng isip ko bago at habang isinusulat ang mga piyesa sa koleksyon. Kung gayon, problematiko sa akin kung ipapasa ko ito sa palimbagang mainstream para maibenta ito sa mga kilalang bookstore. Nahirapan ako sa pagpapalimbag at pagbebenta ng Patikim, Emotero, at Threesome. Galing sa kaunti kong naipon ang ginastos ko sa pagpapalimbag at ni katiting ay wala akong kinita sa pagbebenta ng tatlong aklat.

Gusto kong makarating ang koleksyong ito sa mga palengke at pagawaan, sa mga sakahan at palaisdaan. Gusto kong mapasakamay ito ng mga taong binigyan ko ng tinig ang pagpupunyagi. Higit sa lahat, para sa kanila ang aking pagsusulat ng tula. Sana maging abot-kaya, o kung hindi man at kung kakayanin, maibigay sa kanila ito nang libre.

Pero magagawa ko kaya? Isang araw, nakabasa ako ng isang anekdota tungkol kay Andrew Carroll. Si Andrew Carroll ay isang Amerikanong manunulat, editor, aktibista,  at istoryador.

Noong 1992, napagkasunduan nina Carroll at Joseph Brodsky (Poet Laureate ng Estados Unidos at nagwagi ng Nobel Prize in Literature) na itatag ang American Poetry and Literacy Project (APLP). Layunin ng APLP na magpamudmod ng mga libreng aklat ng tula sa publiko. Sa tulong ng Book-of-the-Month Club at Academy of American Poets, nilibot ni Carroll ang buong Estados Unidos at nagpamigay ng mga libreng aklat ng tula sa mga waiting shed, ospital, estasyon ng tren, homeless shelter, otel, at airport.

Nabuhayan ako ng loob dahil sa tagumpay ni Carroll. Tulad ni Carroll, hindi ko ito kayang mag-isa. Maraming tutulong sa akin—lalo na iyong mga masasabi kong kapanalig sa kilusan; iyong mga tulad kong mapusok sa pag-ibig at pumapanig sa mga inaapi.

Sa pamamagitan din ng mga tula sa koleksyon gusto kong ipakita kung paano maiigpawan ang sloganeering at sentimentalismo na laging ipinupukol sa mga tumutula tungkol sa politika at/o rebolusyon. Magagawa ito sa panitikang makabayan ng mga “bagong dugo” ng kasalukuyan.

Gusto  ko ring mabigyang-linaw, sa proseso ng pagbubuo ng koleksyon, ang isang suliraning dala ko sa aking isipan: kung ano ang maitutulong ng pagtula para maibsan ang paghihirap ng mga pinagsasamantalahan. Isang malaking ambisyon marahil ang tumingala sa mga tagumpay nina Pablo Neruda, Bertolt Brecht, Harold Bloom o maging ni Federico Garcia Lorca pero maaaring gawing inspirasyon ang kanilang mga karanasan.

May maitutulong nga ba ang pagsusulat para sa mga inaapi? Nang bumisita sa Nicaragua, napagtanto ni Salman Rushdie na may mas maraming bilang ng mga makata sa mga bayang hitik sa rebolusyon. Marahil isinisilang ng rebolusyon ang mga makata. Ang simbuyo ng damdamin ay tulad ng apoy na naghahanap ng matutupok at naghahangad na makawala sa pagkakakulong.

Paano mahihikayat ang mga mahihirap na magbasa? Lahat ng mga akdang nakalimbag,  sa pagkakaalam ko, ay kailangan pang bilhin. Iilan lang sa atin ang mayroong “extra budget” para sa mga aklat. Kung inaalay ko sa mga mahihirap ang aking mga tula, lalong hangad kong mabasa nila ang aklat. Pero paano ito mapupunta sa kanilang mga kamay? Hindi ko maatim na presyuhan ang mga tulang iaalok ko sa kanila para basahin; ako itong nanghihimasok. Katumbas ba ito ng ilang piraso ng itlog, o isda, o  gulay na kanilang ani? Kailangan kong makahanap ng paraan para maihatid ito sa kanila ng libre. Ito ang paninindigan ng koleksyon. Harinawa mapanindigan ko naman.

One thought on “Mark Angeles’ Poetics”

Leave a comment